Iyan ang mga pangunahing elemento na nagbibigay katangian sa klima ng Bicol sa mga panahon ngayon. Madalas ang pag-ulan na tila balde-baldeng tubig ang ibinubuhos mula sa langit. Di magtatagal ay tatahimik, mauubos, titigil, marahil ay iigib, at di magtatagal ay bubuhos na namang muli. May mga araw namang mainit at medyo matagal ang pagsilip ng araw na tinatanaw ang mga nagbibilad ng palay, nagpapatuyo ng sinampay, ng daing at mga mangingisdang payapang makakapagpalaot. Subalit makalipas ang ilang araw ay babalik na namang muli ang tagabuhos ng balde-baldeng tubig. Pero, buti na lang at walang malakas na bagyo na humagupit sa Bicol ngayong taon, wala pa. Sana wala na nga.
Kaya naman ang ilang halamang aking naitanim ay halos malunod sa tubig. Pinili ko lamang ang matataas na lugar upang mapagtaniman subalit hindi ko pa alam kung gaano talaga karami at kadalas ang ulan ngayong mga susunod na mga buwan. Ang mga naitanim kong okra, kalabasa, sitaw, luya, mani, upo, ampalaya, pepino, at mais ay nasa raised mounds, may harang na bato ang ilan at gumamit ako ng mga dahon ng akasya (ang tanging meron ako sa kasalukuyan) bilang mulch. Nagpunla na rin ako ng mustasa at pechay. Ang luya at mani galing sa palengke ay akin na ring ibinaon. Kung malalampasan nila ang sobrang pagkabasa, limitadong sikat ng araw, at mga sakit na maaaring dala ng ganitong kondisyon, mabuti. Kung hindi pasensya. Ito ay magiging aking aral, at itatala ko sa aking magiging kalendaryo ng pagtatanim. Bagamat may kinonsulata akong kalendaryo, gusto ko ring (magkamali muna) malaman batay sa aking karanasan ang tamang kalendaryo ng pagtatanim sa Pilipinas.