Sunday 16 August 2009

Ferragosto


Halos kasalanan ang magtrabaho tuwing Ferragosto. Dapat magrelaks, pumunta sa beach o bundok, mamasyal, makipagkuwentuhan, at syempre kumain. Ito ang pinakasukdulang araw ng bakasyong tag-araw sa Italia. At ang kanilang bakasyon, hindi lang isang araw kundi maaaring isang semana hanggang isang buwan, depende sa uri ng trabaho. Merong nakakapili kung aling buwan ng taon, pero karamihan ay tuwing Hulyo at Agosto kaya ang kalsada patungo sa mga lugar bakasyunan ay napupuno ng sasakyan. Taon-taon ay ganito. Taon-taon ay maririnig ang reklamo sa tindi ng init, sa trapik sa highway, sa mataas na presyo ng gasolina at lahat ng bilihin, atpb. At kapag nalalapit na ang panahong ito, o di kaya ay katatapos lang, hindi maiiwasang mapag-usapan ang mga karanasan ng Ferragosto.





Merong nagbabakasyon sa tuktok ng Dolomites, nagha-hiking sa gubat ng Abruzzo, sumisid sa dagat ng Sardinia, nagpaaraw sa Capri, at sa Lipari, namamasyal sa Agrigento, sa Venice, sa Ferrara, Cinqueterra. Meron ding nanatili sa syudad at pinipiling bisitahin ang mga museo at mga piyesta ng maliliit na bayan. Meron ding sinasamantala ang low-cost na eroplano at hotel at nagsisitungo sa ibang bansa. At meron ding nananatili sa bahay. Kinakalas ang mga gamit sa sala upang maglagay ng parlor stove para sa darating na tag-lamig, upang mapinturaha ding muli ang kisameng minantsahan nang pumasok ang ulan sa nabutas na bubong, dahil wala ring pangastos tulad ng ibang pribelehiyadong Italyano. Dahil hindi rin makita ang katuturan ng ganitong pagbabakasyon gayong maaari namang magsawa sa dagat ng Pilipinas tuwing dumarating ang pagkakataon. At higit sa lahat, para maiwasang maiwan ang isa sa mga guwardiya ng bahay na makikita sa ritrato.

No comments:

Post a Comment