Thursday 27 August 2009

Cuore di Bue




Orto-ortino
(Orto-ortohan)


Sa isang pasò ay nagtanim ako ng kamatis at ito ay aking ipinuwesto sa may bungad ng hagdanan paakyat sa aming apartamento. Sabi ko, doon, siguradong hindi ko ito makakalimutang diligin. Natatawa ang aking mga kapitbahay dahil ngayon lang daw sila nakakita ng kamatis sa pasò. Marahil ay espesyal daw ang binhi kaya doon ko ipinunla. Espesyal nga dahil ayaw kong sayangin, dahil nais kong maalagang mabuti. Karaniwan kasi, kapag doon sa tunay na orto ako nagtanim ng mga gulay na pang-summer, may mga pagkakataong hindi ko nadidilig, di namumungang mabuti at namamatay. Nang makita nilang nagbunga, at ngayon ay nahinog ang pinakaunang bunga ng kamatis na ito, sabi nila, "però!" na maaaring isalin sa, "oo ka ano."




Cuore di bue ang uri ng kamatis na aking ipinunla na ibig sabihin ay "puso ng baka" dahil nga naman ito ay lumalaki na parang, yun na nga, puso ng baka, at maging ang hugis nito ay kahawig nito. Ang uri na ito ay masarap na pang-salad.


Maliban sa kamatis ay nagpunla rin ako ng erba cipollina, parsley at basil sa mga paso.Tuwing nagluluto ako, malapit lang ang pitasan ko ng kailangan kong pampalasa. At malapit dito ay madalas na may bantay na mabagsik na guardia!












Sunday 16 August 2009

Ferragosto


Halos kasalanan ang magtrabaho tuwing Ferragosto. Dapat magrelaks, pumunta sa beach o bundok, mamasyal, makipagkuwentuhan, at syempre kumain. Ito ang pinakasukdulang araw ng bakasyong tag-araw sa Italia. At ang kanilang bakasyon, hindi lang isang araw kundi maaaring isang semana hanggang isang buwan, depende sa uri ng trabaho. Merong nakakapili kung aling buwan ng taon, pero karamihan ay tuwing Hulyo at Agosto kaya ang kalsada patungo sa mga lugar bakasyunan ay napupuno ng sasakyan. Taon-taon ay ganito. Taon-taon ay maririnig ang reklamo sa tindi ng init, sa trapik sa highway, sa mataas na presyo ng gasolina at lahat ng bilihin, atpb. At kapag nalalapit na ang panahong ito, o di kaya ay katatapos lang, hindi maiiwasang mapag-usapan ang mga karanasan ng Ferragosto.





Merong nagbabakasyon sa tuktok ng Dolomites, nagha-hiking sa gubat ng Abruzzo, sumisid sa dagat ng Sardinia, nagpaaraw sa Capri, at sa Lipari, namamasyal sa Agrigento, sa Venice, sa Ferrara, Cinqueterra. Meron ding nanatili sa syudad at pinipiling bisitahin ang mga museo at mga piyesta ng maliliit na bayan. Meron ding sinasamantala ang low-cost na eroplano at hotel at nagsisitungo sa ibang bansa. At meron ding nananatili sa bahay. Kinakalas ang mga gamit sa sala upang maglagay ng parlor stove para sa darating na tag-lamig, upang mapinturaha ding muli ang kisameng minantsahan nang pumasok ang ulan sa nabutas na bubong, dahil wala ring pangastos tulad ng ibang pribelehiyadong Italyano. Dahil hindi rin makita ang katuturan ng ganitong pagbabakasyon gayong maaari namang magsawa sa dagat ng Pilipinas tuwing dumarating ang pagkakataon. At higit sa lahat, para maiwasang maiwan ang isa sa mga guwardiya ng bahay na makikita sa ritrato.

Saturday 1 August 2009

Mga Bi'lang

Ka-batch pala ni Tatay si Cory, 1933. At parehong hanggang 76 gulang ang narating nila. At parehong sa petsa ng kapanganakan ni Tatay, August 21 binaril si Ninoy. 1983 iyon at nang 1986 naupo bilang presidente si Cory. Makalipas ang halos isang taon, noong Enero 1987 pinaulanan ng bala ng mga sundalo ng gubyerno ang mga magsasakang humihiling ng reporma sa lupa sa Mendiola. Naturingan itong Mediola Massacre kung saan 18 ang namatay. Nandun rin kaming mga estudyante na nakikiramay sa mga magsasaka. Ako ay college fresh(wo)man, 18 gulang napakabata.