Thursday 28 May 2009

Pag-aahit ng mga Tupa



Inahitan ang mga tupa kahapon. Isa-isa. Hamakin mo yun, tigalwa hanggang tatlong minuto bawat isa. Ay syentotrento yun lahat!

Swisso ang mag-aahit. Alas-syete y media raw dadating kaya naman paspas ang paggatas ko. Tinulungan na rin ako ni bosing para siguradong alas syete y media ay tapos na ang morning ritual ng mga tupa – nagatasan, napakain at naikulong na ang syento otsong mga tupa, napakain na rin ang mga reject na tupa at mga karnero. Nahugasan na ang makinang panggatas. Napakain na rin ang mga aso. Isinara na rin ang malalaking pinto ng barn. Inayos ang mga harang ng koral para maayos na maitulak o matipon ang mga tupa. Inihatid ko na ang gatas sa caseificio, isinalin na sa ref at nagsimula na akong maghugas ng mga ginamit na lagayan ng keso. Di nag-tagal, eksaktong alas otso, dumating na nga ang Swisso, natanawan ko nang dumaan sa may harapan ang kanyang silver na Toyotang station wagon, habol ng alikabok.

Taon-taon, tuwing Mayo kung kailang nagsisimula nang maging mainit, humihigit na ng 30 degrees Celsius, ay kailangan nang ahitan ang mga tupa. Kung hindi sila aahitan, maaari silang mamatay sa init at bago pa man mangyari yon, mawawalan silang ganang magpastol at uunti ang kanilang gatas. Sa loob ng isang taon, ang kanilang buhok ay maaaring humaba ng higit 10cm, at sa pagitan ng bawat mahabang hibla ay meron pa manding maliliit kaya tila jacket talaga ang labas ng mga ito. Ito ang kanilang natural na jacket sa taglamig at kapote tuwing umuulan. Pag dating naman ng tag-init, bagamat may nalalagas nang kusa, kaunti lang ang mga ito kaya kailangan talagang ahitan, hubarin ang kanilang makapal na mantel.

Kung mapapagmasdan ang mag-aahit, makikitang siya ay pagod na pagod, tagaktak pa ang pawis. Kailangan niyang maging mabilis at preciso ang galaw ng mga kamay, kaya’t kailangan malakas ang kaniyang pangangatawan upang mapanatili niyang hindi gumagalaw ang tupa habang inaahitan. At upang mabilis din ang pag-aahit kailangan niya ng katulong na mag-aabot sa kaniya ng tupa na aahitan.

Ang Swisso na taga-ahit ay matangkad at may katawang matipuno. Mahahaba ang kaniyang binti maging ang mga braso. May costume rin sya. Ang sapatos niya ay sariling gawa na yari sa balat ng hayop maging ang kaniyang pantalon. Matipid sa salita pero mabilis ang galaw ng kaniyang mga kamay.

Sa isang kanto ng barn, doon siya pumupuwesto. Sa sahig ay naglalatag ng isang 2x2 metro kuwadradong plywood. Sa isang tabi ay ang poste ng bakal na pinagmumulan ng linya ng kuryente para sa kanyang pang-ahit na napakatalas na razor, at nakabitin na elastikong harness na nakayakap sa dibdib ng Swisso. Itong harness na ito ay tutulong sa kanya upang hindi makonsentra ang pagod sa kaniyang likod. Ang harness ay magsisilbing tuunan ng kaniyang katawan samantalang libreng naigagalaw ang kaniyang mga braso, at maaari rin siyang humakbang ng isa, paabante, paurong, pakaliwa o pakanan. Maliban sa harness at razor, mayroon din siyang counter –yaong tulad ng gamit ng mga security guard sa mall- na nakabitin may kaniyang harapan at abot kamay sa kaniyang paanan ay may nakahandang spray na disinfectant para sa sugat na maaaring matamo ng malikot na tupa habang inaahitan.

Sa isang parte ng istasyong ito ng Swisso, nandun ang aking bosing at kanyang anak na taga-abot ng aahitang tupa. Sa isang tabi ay ang kulungan na patutunguhan ng mga tupa na inahit na. Maingay ang buong barn. Walang tigil ang ngawa ng mga tupa kasabay ng halos wala ring tigil na bzzz ng razor.

Kapag naiabot na ang tupa na aahitan, agad itong pauupuin at pasasandalin sa mga binti ng Swisso. Sa pwestong ito, hindi halos makabalikwas at makatayo ang tupa. Unang padadaan ng razor ang ulo, tapos ang gilid ng dibdib, gilid ng tiyan at ang parteng loob ng mga paa. Mula sa dibdib at tiyan, papalabas ang ahit hanggang marating ang likod ng tupa. Ang naahit na balahibo ay tila isang buong damit na itatapon sa isang kanto ng istasyon. Kung minsan, mayrong malikot na tupa kaya di maiiwasang siya ay masugatan ng razor. Agad namang itong iispreyan upang hindi lumala ang sugat. Matapos maahitan, bibitawan na ito at malakas na namang ngangawa ang tupa. Tatakbo sa karamihan at didilaan ang ngayo’y hubad na niyang katawan. Ang papangit kung pagmamasdan! Maliit ang balikat, labas ang gulugod at malalaki ang tiyan at dede, ay anu yan!

Paminsanminsan ay titigil ang Swisso, magpapahinga at iinom ng tubig, makikipagkwentuhang kaunti at maya-maya ay tuloy na naman ang pag-aahit. Mag-isa lang siya subalit kaya niyang ahitin ang syentotrentang mga tupa na iyon sa loob ng apat na oras. Kinabukasan ay sa iba na namang asyenda siya mag-aahit. Kung minsan ay tatlong daan o limang daang tupa. Kung minsan naman ay mga singkwenta lang. Nuong una ay magtiyo na taga New Zealand naman ang nag-aahit ng mga tupa. Sila ay mga pastol din sa kanilang bansa pero dahil winter naman doon kaya wala halos trabaho, sa Europe naman kung saan ay magtatag-init na sila ay naglilibot upang mag-ahit, at marahil ay makapasyal na rin pagkatapos ng trabaho. Ang sasakyan naman nila ay isang lumang land rover na hilahila ang trailer laman ang maliit na hawla para sa tupa. Bagamat mabibilis din silang mag-ahit, maraming tupa ang nasusugatan. Sabi nga ay “mabibigat ang kanilang kamay”. Marahil ay ito ang dahilan kung bakit hindi na nagustuhan ng mga pastol dito sa rehiyon ang mga iyon at mas nagustuhan nila ang serbisyo ng Swisso.


(ang taga New Zealand ang nasa litrato)

Saturday 23 May 2009

Bisikletang Dilaw

Dilaw ang kulay ng bisikleta ni Tatay nun.Sabi ko sa sarili ko, parang taksi ang kulay. At katulad ng taksi, hinatid ng bisikletang dilaw na iyon si Tatay sa campus mula sa amoy u-u ng kabayong kapaligiran ng bahay sa bukid kung saan kami ay nakitulog nang gabing lumipas. Malamig, subalit hindi ni Tatay alintana ang malamig na simoy ng autumn. Marahil ay hindi rin niya napansin ang detalye ng kapaligiran subalit sigurado akong dama niya ang mapagkalingang katangian ng kapaligirang sagana sa mga halaman, sa mga kanal, mga panginlan-ngilang gusali at sasakyan, at maraming bisikleta na ipinamahat sa patag, at patag, at patag pang kalupaan ng lugar na iyon. At home si Tatay.

Mabilis ang pagpadyak ni Tatay sa bisikletang dilaw. Sige, padyak! Ayun at umoberteyk pa nga kay kuya na angkas naman si Nanay sa likurang upuan ng kanyang bisikletang nasasakyan, si Nanay na parang reyna na nakabalabal ng shawl na dilaw (terno sa bisikleta ni Tatay). Ngiti ng bata na nakaalpas sa hawla ang bati ni Tatay sa kanila. Bagama’t medyo nahuhuli ako, naaninag ko sa umagang sikat ng araw ang maaliwalas na mukha ni Tatay. At ang padyak na iyon ni Tatay, na sinundan ng marami pa ay naghatid sa amin sa hilera ng mga restawran at tindahan na tinapos ng isang kanal sa dulo kung saan naman naghaharutan ang mga itik na pag-aari ng tunay na reyna ng Holanda.

Di mapigilan ang ngiti ni Tatay at nangantiyaw pa sa amin.

“Ano, ang tagal ninyo!”

Para talagang bata si Tatay dahil mas ako pa yata ang hiningal sa may tatlong kilometrong binisikleta namin. Ngiti lang ang bati namin ni kuya. Ang bati naman ni Nanay,

“Hmp, aba pinauna ka lang namin!’Kala mo!” Hindi patatalo si Nanay.

Isinandal ko at ikinadena ang aking bisikleta kasunod and dilaw ni Tatay sa dingding ng isang restawran. Walang nang lugar para sa bisikleta ni kuya kaya sa poste na ng ilaw niya ito ikinadena. Bago namin tuluyang iniwan ang mga bisikleta, nakita kong binigyan ng huling sulyap ni Tatay ang kanyang bisikletang dilaw at tulad ng di maipagkakailang komento na nagmumula kay Tatay, sinabi nyang,


“ Mabilis din pala ang bisikleta dito, parang bike ko rin.”

Tuesday 19 May 2009

May Tagalog Bang Richard Chandler?

Wala. Sigurado ako, pustahan pa tayo. At wala ring Agatha Christie, o Rex Stout at kung sinu-sino pang giallista. Kung nais mong matutong mag-Tagalog, ang babasahin mo ay ang mga opera ng mga manunulat tulad ni Gregoria de Jesus, Liwayway Arceo, Bienvenido Lumbera, N.V.M. Gonzales, Lualhati Bautista, at marami pang iba. Pero kung giallista ang hanap mo…hmm, sino nga ba? Marahil maaari itong punuan ng mga manunulat ng Liwayway at mga illustrated comics. Pero, iba pa rin sana kung merong giallo na Tagalog, ano?

Maliban sa isang katulad mo na gustong matutong mag-Tagalog, sino ba ang magbabasa ng Richard Chandler sa Tagalog? Iyong mga mahilig magbasa? At sino ba ang mahilig magbasa? Di ba’t karaniwan ay Ingles ang kanilang binabasa?
dahil iyon ang meron, at dahil wala ngang Tagalog na Richard Chandler!!

(tinaguriang giallo ang mga aklat na detective dahil sa tradisyonal na kulay ng pabalat nito)

Saturday 16 May 2009

akin ka, umaga

Maaari ko bang angkinin ang mga sandali tulad ng isang gabi? o isang umagang matahimik katulad ng kanina? Tila kasi ako lang ang nakakarinig ng mga ibong nagsisipaghuni sa may di kalayuan. Ako lang ang di natinag ng maharot na pagaspas ng pakpak ng mga maya na sumalubong sa akin nang ako ay nagpanaog ng bahay. Para kasing ako lang ang nakadama ng damyos ng hamog ng mga damong aking inapakan, at nakapanood sa malumbay na pagliyad ng mga bagong sibol na dahon ng puno ng mga quercia at acacia? Marahil ay ako lang ang nakakita ng mahinhing sikat ng araw at kalangitang sinabugan ng sari-saring kulay? May nagising ba nang isinara kong pabagsak ang pinto ng aking sasakyan at nang ito ay pinaandar ko patungo sa tarangkahang kinakalawang?At may naalimpungatan man lang kaya nang ibinuka ko ang pares ng tarangkahan? Kung ako lang ang nakaranas ng mga ito, maaari ko bang angkinin ang mga ito?

Sinusog ko ang maalikabok na kalsada na marahil ay maaari ko ring angkinin hanggat walang iba pa ang nagdahas na dumaan. Dinama ko ang pinag-iwanan ng gabi hanggang makita ko ang patakas na takbo ng isang kuneho. Naroo't tumalon patungo sa makapal na damo patungo sa kakahuyan. Tinunton ko ang highway kung saan wala akong nasalubong o umoberteyk man lang na sasasakyan. Hmm, maging ang highway marahil ay maaari kong angkinin.