Thursday, 18 February 2010

Kumusta Mga Kaibigan, Okay Ba Kayo Riyan...

Ang nakalipas na tatlong buwan ay ginugol ko sa pagbisita sa Pilipinas, pagbalik sa malamig na Italia, pagbabalik sa dating trabaho, at pagsisimula ng isa pang bagong trabaho. Maganda ang ending ng aking 2009, at maganda na rin ang simula ng 2010.

Sa Pilipinas ay nakasama kong muli ang aking pamilya, bagamat wala na si Tatay, habang nakita ang mga magagandang lugar at nakakain ng masasarap na pagkaing atin. Wala nga lang akong pagkakataong makitang muli ang ilan kong matatalik na kaibigan. Gayunpaman, marami pang pagkakataon para sila ay muling makapiling. Habang nandon ay sinamantala kong makakakain ng mga masasarap na prutas: mangga, papaya, bayabas, abokado; ang mga paborito kong putahe: ginataang langka, hipon sa lahat ng luto at anyo, isda sa lahat ng luto at anyo; sari-saring gulay; masarap na kanin, at marami pang iba.

Nabisita ko rin ang probinsyang nasa dulong itaas at dulong ibaba ng bansa. Nakita ko ang malawak na probinsya ng Isabela, ang kanyang kalbong gubat, malalapad na ilog, ginuhong gilid ng bundok, malapad na taniman ng mais, ng maraming payat na baka, tatlong trak na may lulan ng mga troso (nakatigil sa sentro ng isang bayan-na-check-point?), at ang mapulitikang agawan ng trono sa kapitolyo. Samantala sa syudad ng Dabaw, hindi ako nakarinig ng ni-isang paputok nuong kapaskuhan. Nakita ko ang masiglang jambolero isang gabi sa Bangkerohan. Ang napakarami at sari-saring produkto, at murang-mura pa. Nakita ko ang napakaraming ukay-ukay maging sa gabi, ang mga bagong gusali at tindahan, at mga kalsadang napupuno na rin ng trapik. Nakita ko rin ang mga agila sa Malagos, iba't-ibang ibon at hayop, ang parko sa Toril, puting buhangin sa Samal. At sa aking munting bayan, ganun pa rin, halos dati pa rin. Ang naiba lang yata ay ang mga mukhang hindi ko na kilala, o baka ako ang hindi nila kilala (?).

Sa aking pagbabalik sa Italia, sinalubong ako ng lamig, hindi lang ng klima maging ang kalagayang pang-ekonomiya at pulitika nito. Marami ang nagsasarang pabrika kaya rali dito rali doon at natuto sila ng bagong estilo mula sa mga Pranses: kinikidnap ang boss o sinumang nakatataas ng kumpanya. Bakit daw kailangang magsara ang malalaking pabrika tulad ng Fiat at inililipat sa ibang bansa?(Maging sa Pilipinas ay nangyayari ito.) Meron pa kayang may kakayanang bumili ng kotse? Sa larangan naman ng pulitika, palubog nang palubog ang kalagayan nito. Maraming kaso ng razzismo, ang kurikulomn edukasyon ay pumapayat nang pumapayat (gusto yatang gawin na lang mga artista at artista-kuno ang mga estudyante o di kaya ay manlalaro ng futbol), at ang mga nasa administrasyon ay iginigiit ang mga batas na pabor lamang sa kanila.

Nitong mga nakaraang Linggo ay nakakwentuhan ko rin ang ilang Pinay dito sa Italia. Mayroong patuloy pa rin sa dating gawi lalo na iyong ang mga trabaho ay nakabatay sa mayayamang Italianong kayang magbayad ng kasambahay. (Ang kanilang mga amo ay hindi pa apektado ng krisis.) Meron din namang gusto nang magbalikbayan sa Pilipinas, na bagamat hindi nagkaroon ng pagkakataong makaipon ng maraming pera ay marami namang naipong kaalaman at karanasan. At ano naman kaya ang kanilang kahahantungan sa Pilipinas na ngayon ay malapit na naman ang eleksyon?

Mabuti na lang at ako ay busy at ako ay isang maliit lamang na nilalang pero hindi ako mahiwalay sa realdad ng aking paligid lalo't ang negosyo ng aking asawa ay isa sa apektado ng pandaigdigang krisis ng ekonomiya. Anu't-ano pa man, patuloy pa rin, patuloy pa rin...kung paano lang tayo, ako, sasabay sa pagtakbo ng panahon...sabi nga ng aking asawa, tieni duro, tyaga.

No comments:

Post a Comment