Sunday, 25 October 2009

La Sua Morte

…ang kaniyang kamatayan…o mas tamang isalin sa: kaniyang paghuhukom. Ito ay mga katagang karaniwang sinasambit ng mga Italiano kapag pagkain ang pinag-uusapan. Sa dami ng pahina ng kanila istorya, at dami ng uri ng produktong sila ay biniyayaan at natutunang paunlarin, at marahil sa iba pang mga dahilan, masasabing mapagtangi ang kanilang panlasa sa pagkain, higit pa sa mga Pilipino. Kaya kapag napag-usapan kung anong klaseng luto o preparasyon nararapat sa isang produkto, at kung anung inumin o iba pang pagkain ang angkop na magkakasamang kainin, ang lahat ay may kanikaniyang kaisipan tungkol dito. At kapag napagkaisahan kung alin nga ang pinakamasarap at angkop na luto o preparasyon, iyon ang sinasabing “la sua morte”; duon dapat tapusin ang kaniyang buhay dahil duon sya nabibigyan ng hustisya.

Kagabi, kapiling namin sa isang simple hapunan ang aking bosing sa trabaho at kaniyang asawa, na mga malapit din naming kaibigan. Naghanda ako ng hapunang nakabase sa isda at dahil hindi ako marunong magluto ng cake, nagbili na lang ako kahapong umaga. Hmm, ang sasarap ng nakadisplay sa tindahan! Karamihan ay base sa chocolate, kape at buti na lang merong cake na base sa frutti di bosco (mixed berries o fruits of the woods literally) na pwede na ring ipartner sa pinaplano kong dinner na base sa isda. Matulungin naman ang tindera na pinangalanan ang mga cake na nakadisplay. Ipinaliwanag ko naman na naghahanap ako ng cake na pang-dessert para sa cena a base di pesce. “Allora, frutti di bosco,” kung gayon, frutti di bosco, ang sabi nya. “Un moouse al limone... sarebbe la sua morte però…” pero mabibigyan sana ng hustisya ang moouse al limone kung ito ay kakainin matapos ang isang hapunan ng isda.

Ano ang inihanda kong dinner? Kinilaw na tuna, bilang kinatawan ng aking bansang sinilangan, at cozze gratinato bilang mga antipasto (tahong na in-oven) , tapos pasta alle cozze (prima), branzino al cartoccio (seconda, inoven na isdang nakabalot sa foil), at ginisang spinach (contorno o kapartner) na lahat sinabayan ng prosecco, isang white wine na katumbas daw ng champagne ng France, at kaunting tubig sa akin para di ako malasing. O' nagkape rin pala kami pagkatapos kainin ang cake.

Cozze gratinato

Thursday, 22 October 2009

Day-off Mo Ngayon?

Iyan ang tanong sa aking ng isang Pilipinang kahera ng supermarket. Napangiti ako dahil alam ko ang ibig sabihin ng tanong na iyon. Sa halip na sumagot ng oo o hindi, sabi ko ay katatapos ko lang mag-vendemmia kahapon kaya wala akong trabaho, (kawawang) disoccupato at di magtatagal ay (mapalad) bibisita sa atin. Totoo naman ang sagot ko sa tanong niya pero totoo, day-off ko nga rin kahapon. Kahapon ay pumunta ako sa città o sa bayan upang mamili sa mercato o lingguhang tiangge, bagay na hindi ko magagawa habang may trabaho. Parte ng kinita ko (bagamat hindi ko pa natatanggap) ay aking ginastos kahapon at binigyan ko rin ang sarili ko ng pagkakataong malibang mula sa mabigat na trabaho ng campagna o bukid. Kung nasa Pilipinas ang eksena, kahapon ay parang isang Linggo; ang sentro ng bayan, sa plaza, sa palengke, sa karenderiya at maging tabi ng kalsada ay makikita ang mga taga-baryo na naka-isputing. Isa ako sa mga tagabaryo na nagpabayan, yun nga lang hindi ako nakaisputing. Sa halip na karaniwang collaboratricce domestica, ako ay isang operaio o trabahador sa bukid.

Palibhasa sikat ang mga Pilipino bilang kasambahay ng mga Italiano, iyon agad ang tanong sa aking ni Binibining Kahera, maswerteng kahera dahil ang trabahong katulad niya ay pangmatagalan at kakaunti pa lang ang Pilipinong naabot ang gayong antas. Ipinagmamalaki ko ang mga Pilipinong nagtatrabaho, sa alin mang sektore dito sa Italia, iyon nga lang, hanggang ngayon ay medyo naaalangan ako pagnai-stereotype. Kumpara sa ibang lahi o nasyonalidad ng mga migrante, pinagkakatiwalaan ang mga Pilipino, wala halos problema maliban sa paminsanminsang nahulihan ng shabu, ng manok na pangsabong, o awayan, o agawan ng asawa(?)

Vendemmia

Naki-vendemmia ako ngayong taon. Lahat kaming mga vendemmiatori ay humigit kumulang 8 dito sa asyenda na gumagawa ng red wine, at kung saan kami ay nakatira. Ang halaga at abala ng vendemmia ay katumbas ng paggagapas ng hinog nang mga palay sa atin. Ang vigna (vineyard) na may laking 11 ektarya ay aming inanihan sa loob ng pitong araw at katatapos lang namin noong isang araw.

Upang malaman kung hinog na ang mga ubas at tawagin ang mga vendemmiatori, sinusukat muna ang tamis nito sa pamamagitan ng mostometro o hydrometer. Sinusukat ng instrumentobg ito ang density ng katas ng ubas sa kanyang angking temperatura. May kasamang interpretation table ang instrumentong ito na tinatawag na Brix Table (kung di ako nagkakamali). Ang hinog na ubas ay may 11° ang sukat. Ang tamis, o dami ng asukal ng katas ng ubas ay magiging alkohol kapag dumaan sa proseso ng fermentation. Kung gayon, ang tamis ang siyang unang batayan kung ano ang inaasahang kalidad ng vino(alak).

Nagsimula kami ng vendemmia halos kalahatian na ng Oktobre, huli’ na sa karaniwan. May ilang nagsasabing hindi raw angkop ang ubas sa lugar namin. Ang mga kaibigang nakatira sa malapit ay nag-aalala, “Bakit hindi pa nag-aani?! Hindi na yan mahihinog! Malamig na! Kahit patagalin pa hanggang pasko, hindi na yan mahihinog! Delikado na ang panahon, uulan na! Dapat olives na lang ang tinanim!” At kung ano-ano pang pag-aalala. Naalala ko tuloy ang mga magsasaka sa atin, ganito rin ang reaksyon kapag mayroon sa kanilang kalapit na hindi sumasabay o hindi pumapareho sa gawain ng karamihan. Huli' nga kami sa karamihan, dahil hindi pa sapat ang tamis ng ubas, ba't nga naman pipiliting anihin ang hilaw?

Huli’ man ang simula ng aming pagbe-vendemmia, tamang tama namang natapos kami bago dumating ang ulan. Ang buwan ng Oktobre ay totoo ngang pabagobago ang panahon; maaaring lumamig nang bigla o umulan ng ilang araw, tulad nga ng nararanasan namin ngayong araw habang ako ay nagsusulat.

Ang gawain ng nag-aani ay gupitin ang mga grappolo ng ubas at ilalagak ito sa isang kaha. Ang napunong kaha ay iiwan sa pila ng mga ubas at ito ay isasalin naman sa trailer ng traktora na siyang maghahatid sa pagawaan ng vino na tinatawag na tinaia o cantina. Sa lugar na ito, isasalin ng traktora ang inaning mga ubas sa isang lalagyan kung saan hinihiwalay ang mga tangkay ng ubas sa laman nito. Sasalain ang katas na siya namang isasalin sa malalaking metal container. Sa container na ito maya’t-maya susukatin ng tamis ng katas dahil sadyang magpe-ferment (o aasim) at iinit ito. May batayang mga sukat ang vinologo at mga katulong niya. Di magtatagal, ang katas sa container ay isasalin sa mga barik na kahoy (barrel). Ang bata pa o bagong vino ay maaari nang inumin sa primavera (spring) o makalipas ang humigit kumulang anim na buwan. May ilang uri ng vino na pinatatanda muna bago isalin sa mga bote, batay na rin sa inaakalang magiging kalidad nito. Ang edad, lalagyan at kapaligiran ay maaari pa ring magtalaga sa magiging kalidad ng vino habang ito ay nasa cantina.

Ang pinakamaraming uri ng ubas na aming inani ay sangiovese at cabernet. May kaunti ring lancelotto at cannaiolo. Ang bawat zona sa Italia ay may kanikaniyang uri ng ubas na dapat itanim kung nais nitong sumunod sa mga batas ng produksyon ng vino. Ito ay batay din sa akmang klima ng lugar. Marahil ay aabutin ng libo ang uri ng vino na ginagawa sa Italia.

Magkano ang isang bote (0.75litro) ng red wine? Depende sa maraming batayan. Ang pinakamurang mabibili sa isang karaniwang supermarket na nakita ko ay mga 5euro at ang pinakamahal naman ay maaaring umabot kahit 40 euro. Dito sa hasyenda, ang pinakamurang uri ay 12 euro ang isang bote.

Tuesday, 6 October 2009

Fog


FOG. Hanggang ngayon ay hindi ko pa natutuklasan kung ano ang salitang Tagalog sa ulap. Ulop daw, ayon sa isang on-line dictionary. Hindi ako kumbinsido. Marahil, kailangang pumunta ako sa mga lugar na madalas may "pag" at doon ay magtanong-tanong. Nagtataka naman ako kung bakit "pag" ang tawag ng napagtanungan ko minsan sa isang taga-Baguio. Marahil di lang nya alam, pero sigurado ako, merong salitang angkop dahil ang "pag" ay nararanasan din sa atin; minsan kapag nag-aagawan ang liwanag at dilim sa umaga man o gabi; o di kaya ay pagkatapos ng ulan lalo na sa lugar na makapal ang mga punongkahoy at halaman.

Mag-imbento na lang kaya ako. Pagsamahin ang mga salitang "ulap", "hamog", "ulan", "ambon"...Ano kaya, hmm. Palibhasa ang fog ay ang "hamog sa hangin", o "magaang ambon", o "ulang nakalutang" o "mababa at magaspang na ulap" na sa pagkakataong ito ay hindi halos makita ang kapaligiran...ULAPMOG?

(Litrato: Mula sa isang postcard,
Nebbia sa Val d'Orcia")

Thursday, 27 August 2009

Cuore di Bue




Orto-ortino
(Orto-ortohan)


Sa isang pasò ay nagtanim ako ng kamatis at ito ay aking ipinuwesto sa may bungad ng hagdanan paakyat sa aming apartamento. Sabi ko, doon, siguradong hindi ko ito makakalimutang diligin. Natatawa ang aking mga kapitbahay dahil ngayon lang daw sila nakakita ng kamatis sa pasò. Marahil ay espesyal daw ang binhi kaya doon ko ipinunla. Espesyal nga dahil ayaw kong sayangin, dahil nais kong maalagang mabuti. Karaniwan kasi, kapag doon sa tunay na orto ako nagtanim ng mga gulay na pang-summer, may mga pagkakataong hindi ko nadidilig, di namumungang mabuti at namamatay. Nang makita nilang nagbunga, at ngayon ay nahinog ang pinakaunang bunga ng kamatis na ito, sabi nila, "però!" na maaaring isalin sa, "oo ka ano."




Cuore di bue ang uri ng kamatis na aking ipinunla na ibig sabihin ay "puso ng baka" dahil nga naman ito ay lumalaki na parang, yun na nga, puso ng baka, at maging ang hugis nito ay kahawig nito. Ang uri na ito ay masarap na pang-salad.


Maliban sa kamatis ay nagpunla rin ako ng erba cipollina, parsley at basil sa mga paso.Tuwing nagluluto ako, malapit lang ang pitasan ko ng kailangan kong pampalasa. At malapit dito ay madalas na may bantay na mabagsik na guardia!












Sunday, 16 August 2009

Ferragosto


Halos kasalanan ang magtrabaho tuwing Ferragosto. Dapat magrelaks, pumunta sa beach o bundok, mamasyal, makipagkuwentuhan, at syempre kumain. Ito ang pinakasukdulang araw ng bakasyong tag-araw sa Italia. At ang kanilang bakasyon, hindi lang isang araw kundi maaaring isang semana hanggang isang buwan, depende sa uri ng trabaho. Merong nakakapili kung aling buwan ng taon, pero karamihan ay tuwing Hulyo at Agosto kaya ang kalsada patungo sa mga lugar bakasyunan ay napupuno ng sasakyan. Taon-taon ay ganito. Taon-taon ay maririnig ang reklamo sa tindi ng init, sa trapik sa highway, sa mataas na presyo ng gasolina at lahat ng bilihin, atpb. At kapag nalalapit na ang panahong ito, o di kaya ay katatapos lang, hindi maiiwasang mapag-usapan ang mga karanasan ng Ferragosto.





Merong nagbabakasyon sa tuktok ng Dolomites, nagha-hiking sa gubat ng Abruzzo, sumisid sa dagat ng Sardinia, nagpaaraw sa Capri, at sa Lipari, namamasyal sa Agrigento, sa Venice, sa Ferrara, Cinqueterra. Meron ding nanatili sa syudad at pinipiling bisitahin ang mga museo at mga piyesta ng maliliit na bayan. Meron ding sinasamantala ang low-cost na eroplano at hotel at nagsisitungo sa ibang bansa. At meron ding nananatili sa bahay. Kinakalas ang mga gamit sa sala upang maglagay ng parlor stove para sa darating na tag-lamig, upang mapinturaha ding muli ang kisameng minantsahan nang pumasok ang ulan sa nabutas na bubong, dahil wala ring pangastos tulad ng ibang pribelehiyadong Italyano. Dahil hindi rin makita ang katuturan ng ganitong pagbabakasyon gayong maaari namang magsawa sa dagat ng Pilipinas tuwing dumarating ang pagkakataon. At higit sa lahat, para maiwasang maiwan ang isa sa mga guwardiya ng bahay na makikita sa ritrato.

Saturday, 1 August 2009

Mga Bi'lang

Ka-batch pala ni Tatay si Cory, 1933. At parehong hanggang 76 gulang ang narating nila. At parehong sa petsa ng kapanganakan ni Tatay, August 21 binaril si Ninoy. 1983 iyon at nang 1986 naupo bilang presidente si Cory. Makalipas ang halos isang taon, noong Enero 1987 pinaulanan ng bala ng mga sundalo ng gubyerno ang mga magsasakang humihiling ng reporma sa lupa sa Mendiola. Naturingan itong Mediola Massacre kung saan 18 ang namatay. Nandun rin kaming mga estudyante na nakikiramay sa mga magsasaka. Ako ay college fresh(wo)man, 18 gulang napakabata.

Friday, 10 July 2009

Tag-araw

Tag-araw. Lamok, langaw, garapata. Madalas na ulan sa hapon. Kabute sa gubat. Lamok tuwing gabi. Berde ang kakahuyan. Nakakaantok sa hapon.
Semestreng tambak na gawain sa iskul. Walang tigil na pagbabasa. Tuluy-tuloy na buhos ng idea. Nakakalito, nakakatuwa, exciting! Papalapit na ang deadline!
Sa trono tuloy ang paghilik ni Grigia. Walang pakialam. Malambot, presko, walang istorbo. Penge lang ng pagkain. Pag ikaw ay pagod na sa pagbabasà, haplusin mo ako, kausapin, suklayan, nandito lang ako, naghihintay.
Duon sa katupahan, namimiyesta ang montone. Umuunti ang gatas, umuunti ang keso, umuunti na rin ang sweldo ko. Paano?Magtatanim na lang ako.
Pero yung petsay, ayaw lumagò. Lumipas ang thirty days, ‘sang daliri lang ang tayò, lumitaw na ang cute na mga bulaklak. Anuyun?Bago ako pakainin, hihintayin ko muna ang kaniyang apo?

Wednesday, 10 June 2009

Ang Montone II

Tagumpay! Bwa-hahahaha!!!

Maaaring matawa ka pero napakahalaga ng tungkulin ng montone. Siya ang hari ng mga tupa. Kaya sinisiguradong naming taga-alaga na sapat ang kanyang pagkain. Iniingatang hindi siya magkasakit. Inaalagaang huwag maging agresibo sa aming mga nag-aalaga. Sa kanya nakasalalay ang kinabukasan ng mga tupa, at ng hasyenda.

Sa parte naman ng montone, hindi biro ang magsilbi sa isandaan at labinlimang tupa. Kung minsan, marami ang nagkasabaysabay na tupang sàgad, kaya pagòd ang kawawang montone, tulo ang dila niya. At kapag merong nagkataong tupa na aayaw-ayaw pa, lalong kawawa si manoy. At hindi lahat ng mga tupang iyon ay maaaring magbigay liwanag sa karnero.

Friday, 5 June 2009

Ang Montone

Kaninang umaga, sa unang pagkakataon, kasama ng kawan ang montone na magpastol. Ang bilin sa akin ni bosing, “Tingnan mo ha kung mambabarako, at tingnan mo kung ipinasok”. Ay, napapatawa ako dahil medyo nahihiya ako. Kung Pilipino ang kausap ko siguradong may kasamang malisya ang usapan at siguradong naghagalpakan na kami sa tawa. Pero hindi. Seryoso sya. Kailangan ko raw tingnan kasi minsan daw ay meron siyang nabiling montone na gay. Oo, bading! Syempre ito ang tawag natin bilang mga tao. Marahil silang mga tupa ay meron ding salita para sa lalaking tupa na walang interes na mambarako. Marahil ay twopa, o kaya ay montwone at ang boses ay parang laging sinisipon.

Alin ba ang montone? Ang montone, ay ang barako ng tupa. Tinawag na montone dahil ang trabaho nya ay mag-montare sa mga Miss. Sa Tagalog, marahil ang kahulugan ng salitang ito ay - umamba, umakyat, o magbarako (sus, yun na nga!). Ngayon ang kapanahunan kung kailan isinasama namin ang montone sa kawan dahil ang mga tupa (mga babaee) ay malapit nang maubos ang kanilang gatas at pwede na ulit silang magbuntis. Ang kanilang mga karnero na ipinanganak ng nakaraang Disyembre ay malalaki na rin at di magtatagal ay isasama na rin sa kawan, at maaari na ring barakuhan.

At kapag pinag-usapan ang pagbabarako, hindi ko maiwasang maalala si Atilano, ang maghahatid ng barakong baboy sa mga Miss Baboy sa aking bayang sinilangan. Si Atilano ay hindi pangkaraniwan dahil mag-isa sa buhay at tanging barako lang niya ang kabakas sa kaniyang munting bakuran don sa likod ng hayskul kung saan sya ay nanirahan. Mahaba at tuwid ang itim na itim na buhok ni Atilano, may bigote, at madalas ay suot ang itim na pantalon at itim ding t-shirt (di ko daw alam kung bakit) at nakatsinelas ng pulang spartan. Sa kanyang kanang kamay, hawak ang isang piglis na rattan, at nauuna sa kaniyang paglalakad ay isang malaking itim na baboy, na sa pagitan ng mga paa sa likuran ay sasayaw-sayaw ang malalaki ring niyang balls sa kumpas ng kaniyang maliit-liit na buntot. Si Atilano ang nagpalahi ng karaming baboy sa bayan namin noon. Ewan ko ngayon kung merong nagmana sa kaniyang simple pero importanteng tungkulin sa bayan.

Gayunpaman, nininerbiyos ang montone kanina. Palibhasa first time ding umakyat sa gatasan kung saan don sya dapat kakain ng bahòg. Hindi malaman kung saan sisingit. Bawat espasyong makita, ipinapasok ang ulo, lulukò na sana sa ilalim nang mga tupa na kumakain, hanggang pinagkasya na ang macho niyang katawan sa pagitan ng dalawang rehas, at ayun, natagpuan nya ang karamihan ng kawan na tapòs nang kumain at gatasan. Sorry na lang sya, di tuloy sya nabahog. At dahil kahapon lang sya inahitan, ng gunting, dahil nasira ang razor, lalo tuloy kawawa ang itsura niya dahil mukha siyang tinipos.

Nang ilabas ko na ang kawan patungo sa pastulan, hinanap ko ang montone kung saan banda pumuwesto sa prusisyon ng mga tupa. Ang assignment ko ay pagmasdan siya at i-report kay bosing kung matagumpay ang kaniyang pagbabarako. Ayun, nasa harapan, at tila masaya! Palibhasa hindi nabahog, halos lahat nang damong madaanan ay kinakain. Hanggang makarating kami sa campo (field), ni minsan ay hindi ko natanawang magtangkang umamba ang montone. Palagi lang siyang nasa harapan. Kain sa kaliwa, kain sa kanan. Anuyun? Baka naman wala pang sàgad na tupa? O baka nga iyon na nga!Pag nagkataon, isasauli sya sa breeder kung mapatunayan ngang siya ay nagpapanggap lang na montone!


(Larawan: ang montone kapag sinususog ang "naamoy")

Tuesday, 2 June 2009

SRB



Stone, rock, bato! Iyan ang sigaw namin nun, kapag nababagot na kami ng mga kaibigan ko nung nag-aaral pa ako. Walang maiging magawa. Marami sanang pwedeng gawin tulad ng pag-rereview para sa exams, o para makasali sa discussion sa klase. O di kaya, ayusin ang kuwarto, maglinis. O mamalengke at maghanda ng pananghalian! Mahaba ang lista na ang pamagat ay "Mga Dapat Sanang Gawin Tuwing Tinatamad!"




Araw ng republika ngayon kaya holiday. Nasa bahay lang ako at marami ring dapat gawin. Magluto ng pananghalian. Linisin ang vegetable garden. Maglinis ng bahay. Ituloy ang pagbabasa ng sangkaterbang libro, at kung anu-ano pa. Pero hanggang sa ngayon, mag-aalas dose na ng tanghali, ang nagawa ko pa lang na konkreto ay ang mga litratong kuha ko. Iyan ang mga biyubiyu mula sa aking bintana.

Thursday, 28 May 2009

Pag-aahit ng mga Tupa



Inahitan ang mga tupa kahapon. Isa-isa. Hamakin mo yun, tigalwa hanggang tatlong minuto bawat isa. Ay syentotrento yun lahat!

Swisso ang mag-aahit. Alas-syete y media raw dadating kaya naman paspas ang paggatas ko. Tinulungan na rin ako ni bosing para siguradong alas syete y media ay tapos na ang morning ritual ng mga tupa – nagatasan, napakain at naikulong na ang syento otsong mga tupa, napakain na rin ang mga reject na tupa at mga karnero. Nahugasan na ang makinang panggatas. Napakain na rin ang mga aso. Isinara na rin ang malalaking pinto ng barn. Inayos ang mga harang ng koral para maayos na maitulak o matipon ang mga tupa. Inihatid ko na ang gatas sa caseificio, isinalin na sa ref at nagsimula na akong maghugas ng mga ginamit na lagayan ng keso. Di nag-tagal, eksaktong alas otso, dumating na nga ang Swisso, natanawan ko nang dumaan sa may harapan ang kanyang silver na Toyotang station wagon, habol ng alikabok.

Taon-taon, tuwing Mayo kung kailang nagsisimula nang maging mainit, humihigit na ng 30 degrees Celsius, ay kailangan nang ahitan ang mga tupa. Kung hindi sila aahitan, maaari silang mamatay sa init at bago pa man mangyari yon, mawawalan silang ganang magpastol at uunti ang kanilang gatas. Sa loob ng isang taon, ang kanilang buhok ay maaaring humaba ng higit 10cm, at sa pagitan ng bawat mahabang hibla ay meron pa manding maliliit kaya tila jacket talaga ang labas ng mga ito. Ito ang kanilang natural na jacket sa taglamig at kapote tuwing umuulan. Pag dating naman ng tag-init, bagamat may nalalagas nang kusa, kaunti lang ang mga ito kaya kailangan talagang ahitan, hubarin ang kanilang makapal na mantel.

Kung mapapagmasdan ang mag-aahit, makikitang siya ay pagod na pagod, tagaktak pa ang pawis. Kailangan niyang maging mabilis at preciso ang galaw ng mga kamay, kaya’t kailangan malakas ang kaniyang pangangatawan upang mapanatili niyang hindi gumagalaw ang tupa habang inaahitan. At upang mabilis din ang pag-aahit kailangan niya ng katulong na mag-aabot sa kaniya ng tupa na aahitan.

Ang Swisso na taga-ahit ay matangkad at may katawang matipuno. Mahahaba ang kaniyang binti maging ang mga braso. May costume rin sya. Ang sapatos niya ay sariling gawa na yari sa balat ng hayop maging ang kaniyang pantalon. Matipid sa salita pero mabilis ang galaw ng kaniyang mga kamay.

Sa isang kanto ng barn, doon siya pumupuwesto. Sa sahig ay naglalatag ng isang 2x2 metro kuwadradong plywood. Sa isang tabi ay ang poste ng bakal na pinagmumulan ng linya ng kuryente para sa kanyang pang-ahit na napakatalas na razor, at nakabitin na elastikong harness na nakayakap sa dibdib ng Swisso. Itong harness na ito ay tutulong sa kanya upang hindi makonsentra ang pagod sa kaniyang likod. Ang harness ay magsisilbing tuunan ng kaniyang katawan samantalang libreng naigagalaw ang kaniyang mga braso, at maaari rin siyang humakbang ng isa, paabante, paurong, pakaliwa o pakanan. Maliban sa harness at razor, mayroon din siyang counter –yaong tulad ng gamit ng mga security guard sa mall- na nakabitin may kaniyang harapan at abot kamay sa kaniyang paanan ay may nakahandang spray na disinfectant para sa sugat na maaaring matamo ng malikot na tupa habang inaahitan.

Sa isang parte ng istasyong ito ng Swisso, nandun ang aking bosing at kanyang anak na taga-abot ng aahitang tupa. Sa isang tabi ay ang kulungan na patutunguhan ng mga tupa na inahit na. Maingay ang buong barn. Walang tigil ang ngawa ng mga tupa kasabay ng halos wala ring tigil na bzzz ng razor.

Kapag naiabot na ang tupa na aahitan, agad itong pauupuin at pasasandalin sa mga binti ng Swisso. Sa pwestong ito, hindi halos makabalikwas at makatayo ang tupa. Unang padadaan ng razor ang ulo, tapos ang gilid ng dibdib, gilid ng tiyan at ang parteng loob ng mga paa. Mula sa dibdib at tiyan, papalabas ang ahit hanggang marating ang likod ng tupa. Ang naahit na balahibo ay tila isang buong damit na itatapon sa isang kanto ng istasyon. Kung minsan, mayrong malikot na tupa kaya di maiiwasang siya ay masugatan ng razor. Agad namang itong iispreyan upang hindi lumala ang sugat. Matapos maahitan, bibitawan na ito at malakas na namang ngangawa ang tupa. Tatakbo sa karamihan at didilaan ang ngayo’y hubad na niyang katawan. Ang papangit kung pagmamasdan! Maliit ang balikat, labas ang gulugod at malalaki ang tiyan at dede, ay anu yan!

Paminsanminsan ay titigil ang Swisso, magpapahinga at iinom ng tubig, makikipagkwentuhang kaunti at maya-maya ay tuloy na naman ang pag-aahit. Mag-isa lang siya subalit kaya niyang ahitin ang syentotrentang mga tupa na iyon sa loob ng apat na oras. Kinabukasan ay sa iba na namang asyenda siya mag-aahit. Kung minsan ay tatlong daan o limang daang tupa. Kung minsan naman ay mga singkwenta lang. Nuong una ay magtiyo na taga New Zealand naman ang nag-aahit ng mga tupa. Sila ay mga pastol din sa kanilang bansa pero dahil winter naman doon kaya wala halos trabaho, sa Europe naman kung saan ay magtatag-init na sila ay naglilibot upang mag-ahit, at marahil ay makapasyal na rin pagkatapos ng trabaho. Ang sasakyan naman nila ay isang lumang land rover na hilahila ang trailer laman ang maliit na hawla para sa tupa. Bagamat mabibilis din silang mag-ahit, maraming tupa ang nasusugatan. Sabi nga ay “mabibigat ang kanilang kamay”. Marahil ay ito ang dahilan kung bakit hindi na nagustuhan ng mga pastol dito sa rehiyon ang mga iyon at mas nagustuhan nila ang serbisyo ng Swisso.


(ang taga New Zealand ang nasa litrato)

Saturday, 23 May 2009

Bisikletang Dilaw

Dilaw ang kulay ng bisikleta ni Tatay nun.Sabi ko sa sarili ko, parang taksi ang kulay. At katulad ng taksi, hinatid ng bisikletang dilaw na iyon si Tatay sa campus mula sa amoy u-u ng kabayong kapaligiran ng bahay sa bukid kung saan kami ay nakitulog nang gabing lumipas. Malamig, subalit hindi ni Tatay alintana ang malamig na simoy ng autumn. Marahil ay hindi rin niya napansin ang detalye ng kapaligiran subalit sigurado akong dama niya ang mapagkalingang katangian ng kapaligirang sagana sa mga halaman, sa mga kanal, mga panginlan-ngilang gusali at sasakyan, at maraming bisikleta na ipinamahat sa patag, at patag, at patag pang kalupaan ng lugar na iyon. At home si Tatay.

Mabilis ang pagpadyak ni Tatay sa bisikletang dilaw. Sige, padyak! Ayun at umoberteyk pa nga kay kuya na angkas naman si Nanay sa likurang upuan ng kanyang bisikletang nasasakyan, si Nanay na parang reyna na nakabalabal ng shawl na dilaw (terno sa bisikleta ni Tatay). Ngiti ng bata na nakaalpas sa hawla ang bati ni Tatay sa kanila. Bagama’t medyo nahuhuli ako, naaninag ko sa umagang sikat ng araw ang maaliwalas na mukha ni Tatay. At ang padyak na iyon ni Tatay, na sinundan ng marami pa ay naghatid sa amin sa hilera ng mga restawran at tindahan na tinapos ng isang kanal sa dulo kung saan naman naghaharutan ang mga itik na pag-aari ng tunay na reyna ng Holanda.

Di mapigilan ang ngiti ni Tatay at nangantiyaw pa sa amin.

“Ano, ang tagal ninyo!”

Para talagang bata si Tatay dahil mas ako pa yata ang hiningal sa may tatlong kilometrong binisikleta namin. Ngiti lang ang bati namin ni kuya. Ang bati naman ni Nanay,

“Hmp, aba pinauna ka lang namin!’Kala mo!” Hindi patatalo si Nanay.

Isinandal ko at ikinadena ang aking bisikleta kasunod and dilaw ni Tatay sa dingding ng isang restawran. Walang nang lugar para sa bisikleta ni kuya kaya sa poste na ng ilaw niya ito ikinadena. Bago namin tuluyang iniwan ang mga bisikleta, nakita kong binigyan ng huling sulyap ni Tatay ang kanyang bisikletang dilaw at tulad ng di maipagkakailang komento na nagmumula kay Tatay, sinabi nyang,


“ Mabilis din pala ang bisikleta dito, parang bike ko rin.”

Tuesday, 19 May 2009

May Tagalog Bang Richard Chandler?

Wala. Sigurado ako, pustahan pa tayo. At wala ring Agatha Christie, o Rex Stout at kung sinu-sino pang giallista. Kung nais mong matutong mag-Tagalog, ang babasahin mo ay ang mga opera ng mga manunulat tulad ni Gregoria de Jesus, Liwayway Arceo, Bienvenido Lumbera, N.V.M. Gonzales, Lualhati Bautista, at marami pang iba. Pero kung giallista ang hanap mo…hmm, sino nga ba? Marahil maaari itong punuan ng mga manunulat ng Liwayway at mga illustrated comics. Pero, iba pa rin sana kung merong giallo na Tagalog, ano?

Maliban sa isang katulad mo na gustong matutong mag-Tagalog, sino ba ang magbabasa ng Richard Chandler sa Tagalog? Iyong mga mahilig magbasa? At sino ba ang mahilig magbasa? Di ba’t karaniwan ay Ingles ang kanilang binabasa?
dahil iyon ang meron, at dahil wala ngang Tagalog na Richard Chandler!!

(tinaguriang giallo ang mga aklat na detective dahil sa tradisyonal na kulay ng pabalat nito)

Saturday, 16 May 2009

akin ka, umaga

Maaari ko bang angkinin ang mga sandali tulad ng isang gabi? o isang umagang matahimik katulad ng kanina? Tila kasi ako lang ang nakakarinig ng mga ibong nagsisipaghuni sa may di kalayuan. Ako lang ang di natinag ng maharot na pagaspas ng pakpak ng mga maya na sumalubong sa akin nang ako ay nagpanaog ng bahay. Para kasing ako lang ang nakadama ng damyos ng hamog ng mga damong aking inapakan, at nakapanood sa malumbay na pagliyad ng mga bagong sibol na dahon ng puno ng mga quercia at acacia? Marahil ay ako lang ang nakakita ng mahinhing sikat ng araw at kalangitang sinabugan ng sari-saring kulay? May nagising ba nang isinara kong pabagsak ang pinto ng aking sasakyan at nang ito ay pinaandar ko patungo sa tarangkahang kinakalawang?At may naalimpungatan man lang kaya nang ibinuka ko ang pares ng tarangkahan? Kung ako lang ang nakaranas ng mga ito, maaari ko bang angkinin ang mga ito?

Sinusog ko ang maalikabok na kalsada na marahil ay maaari ko ring angkinin hanggat walang iba pa ang nagdahas na dumaan. Dinama ko ang pinag-iwanan ng gabi hanggang makita ko ang patakas na takbo ng isang kuneho. Naroo't tumalon patungo sa makapal na damo patungo sa kakahuyan. Tinunton ko ang highway kung saan wala akong nasalubong o umoberteyk man lang na sasasakyan. Hmm, maging ang highway marahil ay maaari kong angkinin.