Sunday 25 October 2009

La Sua Morte

…ang kaniyang kamatayan…o mas tamang isalin sa: kaniyang paghuhukom. Ito ay mga katagang karaniwang sinasambit ng mga Italiano kapag pagkain ang pinag-uusapan. Sa dami ng pahina ng kanila istorya, at dami ng uri ng produktong sila ay biniyayaan at natutunang paunlarin, at marahil sa iba pang mga dahilan, masasabing mapagtangi ang kanilang panlasa sa pagkain, higit pa sa mga Pilipino. Kaya kapag napag-usapan kung anong klaseng luto o preparasyon nararapat sa isang produkto, at kung anung inumin o iba pang pagkain ang angkop na magkakasamang kainin, ang lahat ay may kanikaniyang kaisipan tungkol dito. At kapag napagkaisahan kung alin nga ang pinakamasarap at angkop na luto o preparasyon, iyon ang sinasabing “la sua morte”; duon dapat tapusin ang kaniyang buhay dahil duon sya nabibigyan ng hustisya.

Kagabi, kapiling namin sa isang simple hapunan ang aking bosing sa trabaho at kaniyang asawa, na mga malapit din naming kaibigan. Naghanda ako ng hapunang nakabase sa isda at dahil hindi ako marunong magluto ng cake, nagbili na lang ako kahapong umaga. Hmm, ang sasarap ng nakadisplay sa tindahan! Karamihan ay base sa chocolate, kape at buti na lang merong cake na base sa frutti di bosco (mixed berries o fruits of the woods literally) na pwede na ring ipartner sa pinaplano kong dinner na base sa isda. Matulungin naman ang tindera na pinangalanan ang mga cake na nakadisplay. Ipinaliwanag ko naman na naghahanap ako ng cake na pang-dessert para sa cena a base di pesce. “Allora, frutti di bosco,” kung gayon, frutti di bosco, ang sabi nya. “Un moouse al limone... sarebbe la sua morte però…” pero mabibigyan sana ng hustisya ang moouse al limone kung ito ay kakainin matapos ang isang hapunan ng isda.

Ano ang inihanda kong dinner? Kinilaw na tuna, bilang kinatawan ng aking bansang sinilangan, at cozze gratinato bilang mga antipasto (tahong na in-oven) , tapos pasta alle cozze (prima), branzino al cartoccio (seconda, inoven na isdang nakabalot sa foil), at ginisang spinach (contorno o kapartner) na lahat sinabayan ng prosecco, isang white wine na katumbas daw ng champagne ng France, at kaunting tubig sa akin para di ako malasing. O' nagkape rin pala kami pagkatapos kainin ang cake.

Cozze gratinato

Thursday 22 October 2009

Day-off Mo Ngayon?

Iyan ang tanong sa aking ng isang Pilipinang kahera ng supermarket. Napangiti ako dahil alam ko ang ibig sabihin ng tanong na iyon. Sa halip na sumagot ng oo o hindi, sabi ko ay katatapos ko lang mag-vendemmia kahapon kaya wala akong trabaho, (kawawang) disoccupato at di magtatagal ay (mapalad) bibisita sa atin. Totoo naman ang sagot ko sa tanong niya pero totoo, day-off ko nga rin kahapon. Kahapon ay pumunta ako sa città o sa bayan upang mamili sa mercato o lingguhang tiangge, bagay na hindi ko magagawa habang may trabaho. Parte ng kinita ko (bagamat hindi ko pa natatanggap) ay aking ginastos kahapon at binigyan ko rin ang sarili ko ng pagkakataong malibang mula sa mabigat na trabaho ng campagna o bukid. Kung nasa Pilipinas ang eksena, kahapon ay parang isang Linggo; ang sentro ng bayan, sa plaza, sa palengke, sa karenderiya at maging tabi ng kalsada ay makikita ang mga taga-baryo na naka-isputing. Isa ako sa mga tagabaryo na nagpabayan, yun nga lang hindi ako nakaisputing. Sa halip na karaniwang collaboratricce domestica, ako ay isang operaio o trabahador sa bukid.

Palibhasa sikat ang mga Pilipino bilang kasambahay ng mga Italiano, iyon agad ang tanong sa aking ni Binibining Kahera, maswerteng kahera dahil ang trabahong katulad niya ay pangmatagalan at kakaunti pa lang ang Pilipinong naabot ang gayong antas. Ipinagmamalaki ko ang mga Pilipinong nagtatrabaho, sa alin mang sektore dito sa Italia, iyon nga lang, hanggang ngayon ay medyo naaalangan ako pagnai-stereotype. Kumpara sa ibang lahi o nasyonalidad ng mga migrante, pinagkakatiwalaan ang mga Pilipino, wala halos problema maliban sa paminsanminsang nahulihan ng shabu, ng manok na pangsabong, o awayan, o agawan ng asawa(?)

Vendemmia

Naki-vendemmia ako ngayong taon. Lahat kaming mga vendemmiatori ay humigit kumulang 8 dito sa asyenda na gumagawa ng red wine, at kung saan kami ay nakatira. Ang halaga at abala ng vendemmia ay katumbas ng paggagapas ng hinog nang mga palay sa atin. Ang vigna (vineyard) na may laking 11 ektarya ay aming inanihan sa loob ng pitong araw at katatapos lang namin noong isang araw.

Upang malaman kung hinog na ang mga ubas at tawagin ang mga vendemmiatori, sinusukat muna ang tamis nito sa pamamagitan ng mostometro o hydrometer. Sinusukat ng instrumentobg ito ang density ng katas ng ubas sa kanyang angking temperatura. May kasamang interpretation table ang instrumentong ito na tinatawag na Brix Table (kung di ako nagkakamali). Ang hinog na ubas ay may 11° ang sukat. Ang tamis, o dami ng asukal ng katas ng ubas ay magiging alkohol kapag dumaan sa proseso ng fermentation. Kung gayon, ang tamis ang siyang unang batayan kung ano ang inaasahang kalidad ng vino(alak).

Nagsimula kami ng vendemmia halos kalahatian na ng Oktobre, huli’ na sa karaniwan. May ilang nagsasabing hindi raw angkop ang ubas sa lugar namin. Ang mga kaibigang nakatira sa malapit ay nag-aalala, “Bakit hindi pa nag-aani?! Hindi na yan mahihinog! Malamig na! Kahit patagalin pa hanggang pasko, hindi na yan mahihinog! Delikado na ang panahon, uulan na! Dapat olives na lang ang tinanim!” At kung ano-ano pang pag-aalala. Naalala ko tuloy ang mga magsasaka sa atin, ganito rin ang reaksyon kapag mayroon sa kanilang kalapit na hindi sumasabay o hindi pumapareho sa gawain ng karamihan. Huli' nga kami sa karamihan, dahil hindi pa sapat ang tamis ng ubas, ba't nga naman pipiliting anihin ang hilaw?

Huli’ man ang simula ng aming pagbe-vendemmia, tamang tama namang natapos kami bago dumating ang ulan. Ang buwan ng Oktobre ay totoo ngang pabagobago ang panahon; maaaring lumamig nang bigla o umulan ng ilang araw, tulad nga ng nararanasan namin ngayong araw habang ako ay nagsusulat.

Ang gawain ng nag-aani ay gupitin ang mga grappolo ng ubas at ilalagak ito sa isang kaha. Ang napunong kaha ay iiwan sa pila ng mga ubas at ito ay isasalin naman sa trailer ng traktora na siyang maghahatid sa pagawaan ng vino na tinatawag na tinaia o cantina. Sa lugar na ito, isasalin ng traktora ang inaning mga ubas sa isang lalagyan kung saan hinihiwalay ang mga tangkay ng ubas sa laman nito. Sasalain ang katas na siya namang isasalin sa malalaking metal container. Sa container na ito maya’t-maya susukatin ng tamis ng katas dahil sadyang magpe-ferment (o aasim) at iinit ito. May batayang mga sukat ang vinologo at mga katulong niya. Di magtatagal, ang katas sa container ay isasalin sa mga barik na kahoy (barrel). Ang bata pa o bagong vino ay maaari nang inumin sa primavera (spring) o makalipas ang humigit kumulang anim na buwan. May ilang uri ng vino na pinatatanda muna bago isalin sa mga bote, batay na rin sa inaakalang magiging kalidad nito. Ang edad, lalagyan at kapaligiran ay maaari pa ring magtalaga sa magiging kalidad ng vino habang ito ay nasa cantina.

Ang pinakamaraming uri ng ubas na aming inani ay sangiovese at cabernet. May kaunti ring lancelotto at cannaiolo. Ang bawat zona sa Italia ay may kanikaniyang uri ng ubas na dapat itanim kung nais nitong sumunod sa mga batas ng produksyon ng vino. Ito ay batay din sa akmang klima ng lugar. Marahil ay aabutin ng libo ang uri ng vino na ginagawa sa Italia.

Magkano ang isang bote (0.75litro) ng red wine? Depende sa maraming batayan. Ang pinakamurang mabibili sa isang karaniwang supermarket na nakita ko ay mga 5euro at ang pinakamahal naman ay maaaring umabot kahit 40 euro. Dito sa hasyenda, ang pinakamurang uri ay 12 euro ang isang bote.

Tuesday 6 October 2009

Fog


FOG. Hanggang ngayon ay hindi ko pa natutuklasan kung ano ang salitang Tagalog sa ulap. Ulop daw, ayon sa isang on-line dictionary. Hindi ako kumbinsido. Marahil, kailangang pumunta ako sa mga lugar na madalas may "pag" at doon ay magtanong-tanong. Nagtataka naman ako kung bakit "pag" ang tawag ng napagtanungan ko minsan sa isang taga-Baguio. Marahil di lang nya alam, pero sigurado ako, merong salitang angkop dahil ang "pag" ay nararanasan din sa atin; minsan kapag nag-aagawan ang liwanag at dilim sa umaga man o gabi; o di kaya ay pagkatapos ng ulan lalo na sa lugar na makapal ang mga punongkahoy at halaman.

Mag-imbento na lang kaya ako. Pagsamahin ang mga salitang "ulap", "hamog", "ulan", "ambon"...Ano kaya, hmm. Palibhasa ang fog ay ang "hamog sa hangin", o "magaang ambon", o "ulang nakalutang" o "mababa at magaspang na ulap" na sa pagkakataong ito ay hindi halos makita ang kapaligiran...ULAPMOG?

(Litrato: Mula sa isang postcard,
Nebbia sa Val d'Orcia")