Wednesday 10 June 2009

Ang Montone II

Tagumpay! Bwa-hahahaha!!!

Maaaring matawa ka pero napakahalaga ng tungkulin ng montone. Siya ang hari ng mga tupa. Kaya sinisiguradong naming taga-alaga na sapat ang kanyang pagkain. Iniingatang hindi siya magkasakit. Inaalagaang huwag maging agresibo sa aming mga nag-aalaga. Sa kanya nakasalalay ang kinabukasan ng mga tupa, at ng hasyenda.

Sa parte naman ng montone, hindi biro ang magsilbi sa isandaan at labinlimang tupa. Kung minsan, marami ang nagkasabaysabay na tupang sàgad, kaya pagòd ang kawawang montone, tulo ang dila niya. At kapag merong nagkataong tupa na aayaw-ayaw pa, lalong kawawa si manoy. At hindi lahat ng mga tupang iyon ay maaaring magbigay liwanag sa karnero.

Friday 5 June 2009

Ang Montone

Kaninang umaga, sa unang pagkakataon, kasama ng kawan ang montone na magpastol. Ang bilin sa akin ni bosing, “Tingnan mo ha kung mambabarako, at tingnan mo kung ipinasok”. Ay, napapatawa ako dahil medyo nahihiya ako. Kung Pilipino ang kausap ko siguradong may kasamang malisya ang usapan at siguradong naghagalpakan na kami sa tawa. Pero hindi. Seryoso sya. Kailangan ko raw tingnan kasi minsan daw ay meron siyang nabiling montone na gay. Oo, bading! Syempre ito ang tawag natin bilang mga tao. Marahil silang mga tupa ay meron ding salita para sa lalaking tupa na walang interes na mambarako. Marahil ay twopa, o kaya ay montwone at ang boses ay parang laging sinisipon.

Alin ba ang montone? Ang montone, ay ang barako ng tupa. Tinawag na montone dahil ang trabaho nya ay mag-montare sa mga Miss. Sa Tagalog, marahil ang kahulugan ng salitang ito ay - umamba, umakyat, o magbarako (sus, yun na nga!). Ngayon ang kapanahunan kung kailan isinasama namin ang montone sa kawan dahil ang mga tupa (mga babaee) ay malapit nang maubos ang kanilang gatas at pwede na ulit silang magbuntis. Ang kanilang mga karnero na ipinanganak ng nakaraang Disyembre ay malalaki na rin at di magtatagal ay isasama na rin sa kawan, at maaari na ring barakuhan.

At kapag pinag-usapan ang pagbabarako, hindi ko maiwasang maalala si Atilano, ang maghahatid ng barakong baboy sa mga Miss Baboy sa aking bayang sinilangan. Si Atilano ay hindi pangkaraniwan dahil mag-isa sa buhay at tanging barako lang niya ang kabakas sa kaniyang munting bakuran don sa likod ng hayskul kung saan sya ay nanirahan. Mahaba at tuwid ang itim na itim na buhok ni Atilano, may bigote, at madalas ay suot ang itim na pantalon at itim ding t-shirt (di ko daw alam kung bakit) at nakatsinelas ng pulang spartan. Sa kanyang kanang kamay, hawak ang isang piglis na rattan, at nauuna sa kaniyang paglalakad ay isang malaking itim na baboy, na sa pagitan ng mga paa sa likuran ay sasayaw-sayaw ang malalaki ring niyang balls sa kumpas ng kaniyang maliit-liit na buntot. Si Atilano ang nagpalahi ng karaming baboy sa bayan namin noon. Ewan ko ngayon kung merong nagmana sa kaniyang simple pero importanteng tungkulin sa bayan.

Gayunpaman, nininerbiyos ang montone kanina. Palibhasa first time ding umakyat sa gatasan kung saan don sya dapat kakain ng bahòg. Hindi malaman kung saan sisingit. Bawat espasyong makita, ipinapasok ang ulo, lulukò na sana sa ilalim nang mga tupa na kumakain, hanggang pinagkasya na ang macho niyang katawan sa pagitan ng dalawang rehas, at ayun, natagpuan nya ang karamihan ng kawan na tapòs nang kumain at gatasan. Sorry na lang sya, di tuloy sya nabahog. At dahil kahapon lang sya inahitan, ng gunting, dahil nasira ang razor, lalo tuloy kawawa ang itsura niya dahil mukha siyang tinipos.

Nang ilabas ko na ang kawan patungo sa pastulan, hinanap ko ang montone kung saan banda pumuwesto sa prusisyon ng mga tupa. Ang assignment ko ay pagmasdan siya at i-report kay bosing kung matagumpay ang kaniyang pagbabarako. Ayun, nasa harapan, at tila masaya! Palibhasa hindi nabahog, halos lahat nang damong madaanan ay kinakain. Hanggang makarating kami sa campo (field), ni minsan ay hindi ko natanawang magtangkang umamba ang montone. Palagi lang siyang nasa harapan. Kain sa kaliwa, kain sa kanan. Anuyun? Baka naman wala pang sàgad na tupa? O baka nga iyon na nga!Pag nagkataon, isasauli sya sa breeder kung mapatunayan ngang siya ay nagpapanggap lang na montone!


(Larawan: ang montone kapag sinususog ang "naamoy")

Tuesday 2 June 2009

SRB



Stone, rock, bato! Iyan ang sigaw namin nun, kapag nababagot na kami ng mga kaibigan ko nung nag-aaral pa ako. Walang maiging magawa. Marami sanang pwedeng gawin tulad ng pag-rereview para sa exams, o para makasali sa discussion sa klase. O di kaya, ayusin ang kuwarto, maglinis. O mamalengke at maghanda ng pananghalian! Mahaba ang lista na ang pamagat ay "Mga Dapat Sanang Gawin Tuwing Tinatamad!"




Araw ng republika ngayon kaya holiday. Nasa bahay lang ako at marami ring dapat gawin. Magluto ng pananghalian. Linisin ang vegetable garden. Maglinis ng bahay. Ituloy ang pagbabasa ng sangkaterbang libro, at kung anu-ano pa. Pero hanggang sa ngayon, mag-aalas dose na ng tanghali, ang nagawa ko pa lang na konkreto ay ang mga litratong kuha ko. Iyan ang mga biyubiyu mula sa aking bintana.